Sunday, August 24, 2008

Isang Pagbubuklod ng mga Malikhaing Komposisyon

Kay Virgil B. Vallecera


EDITORYAL: Ang Sinungaling, Bow

Talaga yatang nasisiraan na nang bait si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Biro mong taas noo niyang ipinagmayabang sa harap ng United Nations Security Council na hindi pinapahintulutan ng kanyang administrasyon ang paglabag sa karapatang pantao ng kanyang mga mamamayan. Ito ay matapos ang sunod-sunod na pagtuligsa ng UN Special Rapporteur on Extrajudicial Killings, ng European Union, ng mga mambabatas at taong simbahan mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa kalunos-lunos na kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.


At kung totoo nga ang sinabi ni Macapagal-Arroyo, ano ang matatawag sa nangyari ni Jonas Burgos na noon pang ika-28 ng Abril nawawala? Lahat ng indikasyon ay nagsasaad na mga tauhan ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Norzagaray, Bulacan ang dumukot sa kanya. Ang mga imbestigador ay nagsasabi na ang license plate ng sasakyang van na ginamit sa pagdukot sa kanya ay mula sa nasabing kampo ng Philippine Army. Pero hanggang, ni kuko ni Jonas, ay hindi pa nakita.


Isa lamang si Jonas sa mga biktima ng sapilitang pagkawala o enforced disappearance (ED) na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa. Nandiyan pa ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJD) na ngayon ay bumibilang na sa humigit 800 ka tao. Ito ay ayon sa datos ng KARAPATAN, ang organisasyong tumututok sa paglabag sa karapatang pantao sa bansa.


Talaga namang nakakagalit, nakakagigil pa nga, ang pagiging sinungaling ni Macapagal-Arroyo. At ang lakas pa ng loob na kagalitan ang gobyerno ng Burma sa paninikil nito sa pampulitikang karapatan ng kanyang mamamayan!!!


Aba’y dapat nating singilin si Macapagal-Arroyo sa mga paglabag sa karapatang ito ng mamamayan. At kasama sa paglabag na ito ang gumagrabeng kahirapan ng taumbayan sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Huwag nating palampasin ang mga pagsisinungaling niya ukol sa pampulitikang sitwasyon sa Pilipinas at maski na nga sa pang-ekonomyang kalagayan ng bansa! Patuloy tayong magsalita ukol sa tunay na buhay ng Pilipino sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo. At syempre, dapat rin tayong kumilos upang mabago ang kalagayang ito.


SANAYSAY: Ang Sanaysay Na Ito

Ang mga mata ko’y namumula at namumugto. Ang kamay ay namamanhid sa kakasulat. Ang lawa ng isipan ay nauubos matapos kinutaw ng pagod. Ang mga matigas kong braso ay malambot pa sa unan. Ang mata ko’y pagod at … zzz…zzz…

Nakita ko ang aking sarili sa isang mataas na gusali. Sa kaliwa ko ay may namatyag akong mga grupo ng mga tao na nagsisigawan na halos maputol ang lalamunan. May dala-dala silang mga “placards”. Hindi ko mabasa ang nakasulat, ni hindi malinaw ang sinisigaw.

Pero kanino? Ako’y napalingon sa may kanan kung saan sila’y nakatingin. At sa aking kakatitig ay unti-unti kong namukhaan ang gusaling gwardyado ng mga tangke at sandaang sunadlo’t pulis. Ah! Nagn napalapit ako ng kaunti ay naalala ko ang gusaling na sa likod ng P20 na pera. Nang nilapitan ko pa ng kaunti upang madinig at makita ang mga tao ay … boooooooog!!!!

Itim. Napaka-itim. Masakit. Nakamasakit . Nakita ko ang realidad na nasa harap ko, ang realidad na pagnapuna ay napapa-iyak ako: Ang Sanaysay Na Ito.

Pinagkaisa ko ang ballpen at papel. Hinila ko ang sarili para mapagbuklod-buklod ko ang mga nasa-isip at parang napasigaw ako sa katotohanan na napanaginp ko nalang ang pagpoprotesta ng mga tao sa imperyalistang gobyerno ni Pangulong Panggulo…napanaginip ko nalang ang pagkamanhid ng gobyerno sa mga pangangailangan ng taong masa…napanaginip ko na lang ang konsensyang sa panahon na ito parang isang panaginip na lang ang umahon ang buhay…napanaginip ko na lang na kung pangungurakot lang din ang pag-uusapan ay No. 1 na tayo sa Asya…napanaginip ko na lang ang mga kawawang taong namatay at nagulpi sa gobyernong “anti-terrorist”…napanaginip ko na lang ang mga kawawang mag-aaral na hindi nakamit ang totoong edukasyon dahil sa “commercialization” at “repression”—parang lahat napanaginip ko na kaya hanggang ngayon iyon lang sa ilalim ng pangalan ko sa may harap nitonng papel ang nasulat ko para sa sanaysay na ito.


MAIKLING KWENTO: “Brace Yourself”

Si Victor ang pinakamatalino sa klase. Naging paborito siya ng mga naging guro niya. Palagi nga siyang pinasasali sa ibat-ibang paligsahang intelektwal dahil sa angking galing na manalo.

Isang araw ay tinawag siya ng punong-guro at binigyan ng “envelope”. Sabi ng punong-guro, “’wag, mo munang buksan, tsaka na lang. At gustong kong makita kang magsanay sa iyong talumpati para sa CESAFi bukas.”

Matapos sa maginsayo ay bumalik na siya sa kanyang silid-aralan at naalaa ang bitbit n’yang envelope. “Ano kaya ito?” sabi n’ya sa sarili. Pumunta s’ya sa kanyang upuan at dahan-dahang binuksan ang envelope at nakita ang may-sampung papel. Binasa niya ang unang nasatitik sa unang papel “Brace Youself.” Binasa din n’ya ang nasa ilalim nito: “Congratulations! You have been chosen to be one of the official Philippine delegates for the Sunbrust Youth Camp in Singapore.”

Pagakatapos sa unang tuldok ay nagulat s’ya sa nabasa. “HA!” At napalingon ang iba n’yang kaklase matapos halos makalimutan may klase pa pala. “Paano? Bakit? Kailan lang?” natanong n’ya sa sarili.

Mabuti na lang at nabigyan s’ya uli ng pagkakataon na bumalik sa punong-guro, hindi dahil tinawag na naman s’ya uli, kundi dahil sa tunog ng maalarmang nota: “Kkkkkrrrrriiiinnnnnngggggg!!!” Tapos sa ang klase.

Kaya agad n’yang tinahak pabalik ang daan patungo sa opisina ng punong-guro. Agad na man s’yang pinapasok at agad bumati ang punong-guro: “Pinahintay mo ako. So, anong masasabi mo?”

“Hindi ko po maintindihan, ma’am,” sabi n’ya habang pinahiran ang pawis sa mugha matapos sa madaling lakad. “Alam kong gusto n’yo akong pumunta doon pero…” Nakabitin sa malamig na hangin ang mga sunod na salita. “…pero hindi pa sapat ang kaalaman at kakayahan ko para mangibang bansa. At isa pa—pasensya na po kayo—pero hindi ko po gustong makihalubilo sa mga ‘foreigners’.”

“Gano’n ba?” ang mapanuring tanong ng punong-guro.

“…at baka ma-‘culture shock’ po ako do’n. Alam n’yo naman na mula unang baitang ng elementarya hanggang ngayong naging 4th year sa high school ay hindi po ako nakaalis sa mga sulok ng probinsyang ito, ano pa’t sa iang bansa?” Napa-isip uli at pinili ng mabuti ang sunod na sasabihin, pero wala na. Napatanong na lang s’ya, “Ma’am, bakit gusto n’yo akong pumunta sa Singapore?” Napatingin s’ya sa may bantang kanan sa “wooden cabinet” sa naglalaman ng mga papeles. “E, kung naalala po ninyo, tinanggihan ninyo pa nga ‘yong imbitasyon para sa akin sa Amerika at Europa?”

Napangiti ang punong-guro habang pinipirma ang mga papeles na nasa lamisa. Pagkatapos ay napatingin kay Victor at mahinhing sinagot habang parang pinipigil ang sarili sa panggigigil.

Napa-isip si Victor, “Bakit, parang natatawa s’ya?”

At sinabi ng punong-guro, “Siguro hindi mo nakita ito. Pero sa lahat ng estudyante dito ay ikaw lang ang nag-iisang singkit ang mata!”

(Tsk...tsk…tsk…tsk…tsk…)


PAGLALARAWAN: Ano ang Nangyari?

Masakit ang ulo ko sa aking paggising ngayon. Parang ayaw ko munang bumangon. Gustuhin ko mang maging maigla sa araw na ito ay nananaig pa din ang pananakit ng aking kasu-kasuhan. Nanatili muna ako sa aking pagkahiga.

Masarap ang parating nakalubog sa kama upang damhin ang malambot na kumot at unan. Masarap rin ang pakiramdam na nakatihaya at nakatitigi sa kisame. Pero bigla-bigla na lamang sumasakit ang aking katawan. Magsisimula ito sa liig. Dederetso itong balikat at bababa sa tiyan. Minsan pa ay kikirot rin ang aking likod. Habang dinadama ko ang aking likod ay sasakit naman ang aking baywang. Bakit kaya ako nagkaganito?

Bigla kong naalala ang nangyari kahapon. Naglalakad ako patungong paaralan. Wala ako sa aking matinong pag-iisip. Napansin kong may sasakyang bumubusina nang malakas sa akong likuran. Nilingon ko ito at ako ay nagtaka dahil ako pala ang binubusina ng drayber ng sasakyan. Narinig ko siyang sumigaw ng “boy, tabi ka!”. Hindi ko alam kung bakit niya ako pinapaalis sa aking kinatatayuan. Blankong tumitig sa drayber ang aking mukha. “Boy, ano ba?! Tabi diyan!”, narinig ko ulit siyang sumigaw.

Sa aking katangahan ay bigla ko na lang nadamang may napakabigat na bagay na dumagan sa akin. Hindi ko alam kung ano amn iyon. Nakita ko ring nagtatatakbo ang mga tao patungo sa akin. “Nakatira ang batang ito sa B.Rodriguez street, ” ito ang huli kong narinig. Nawalan ako ng malay. Hindi ko na maalala ang sumunod na mga pangyayari.

Nagbalik ako sa realidad. Tiningnan ko ang aking katawan kung saan ang depekto. Nakita kong puno ako ng bandage. Sementado ang isa kong paa. Marami rin akong gasgas. Biglang pumasok ang aking ina sa aking silid at sinabi sa akin ang buong pangyayari. Ikaw? Masasabi mo ba kung ano ang nangyari sa akin?

No comments: